Wednesday, June 25, 2008

4th Sunday in Advent Skit


ANG PAGPAPAHAYAG NG PAGSILANG NI JESUS
Maria, Baba eng Pananampalataya


Mga Pagbsa: 2 Samuel 7:1-5.8-12.14; Roma 16:25-27; Lukas 1:26-38

Mga Tauhan:
BASILIO, Matanda, Asawa ni Cleofas
CLEOFAS, Matanda, Asawa ni Basilio
MARISSA, Dalagang Ina
JOHNJOHN, Anak ni Marissa
[ ALONG, Anak ni Tura, Offstage ]
[ TURA, Ama ni Along, Offstage ]

Pagkabasa ng Ebanghelyo o pagkahomilya, maririnig ang Voice Over nina ALONG at TURA.

ALONG
(Offstage)
Bakit tinatawag na mapalad si Maria, Tay?
Anong grasya meron siya at siya ang napiling maging Ina ng Diyos?

TURA
(Offstage)
Isang babae na puno ng pananampalataya si Maria, Anak.
Dahil dito, pinili siya ng Panginoon.

ALONG
Ano po ba ang pagiging puno ng pananampalataya, Tay?

TURA
Makinig ka’y may ikukuwento ako sa iyo.

Ipapasok ang 1 maliit na mesa at 2 upuan.

TURA
Noong isang taon . . .
Sa Sa Jose , . .

Papasok sina BASILIO at CLEOFAS. Dudungas sa “bintana” si Cleofas. Uupo si Basilio at iiling.

BASILIO
Walang mahuhulog ni isang patak na ulan, Pupang.
Kaya tigilin mo na yang padungaw-dungaw mo.

CLEOFAS
Mukha kasing madilim doon sa may silangan.

BASILIO
Madilim ang ating kinabukasan.
Iyan ang ibig sabihin ng nakikita mo.

CLEOFAS
Baka ito na ang ipinangakong ulan.

BASILIO
Huwag ka na ngang maniwala sa mga panga-pangakong iyan.
Iyan ang dahilan ng ating pagkapako sa kahirapan.

CLEOFAS
Nagbabakasakali lang ako, Ilyong.
Umaasang maging tapat ang Panginoon sa kanyang mga pangako.

BASILIO
Huminto ka na nga diyan sa kadadasal-dasal mo.
Tingnan mo, isang pitsel ng tubig na lamang meron tayo.
Isang lapad ng gatas at 1 patpating manok.
Iilang hapunan na lang at tepok na tayo.
Tayo naman ang magiging hapunan ng mga uod sa sementeryo.
Wala ng pag-asa itong tuyo nating bayan.
At itong ating natuyuang buhay.

CLEOFAS
Ilang beses kitang pinaalalahanan noon, Ilyong.
Na huwag sumama sa pagpuputol ng mga kahoy sa ating kagubatan.
Kung nakinig lamang kayo sa akin,
hindi siguro magkaganito ang ating bayan.

Lalayo si Cleofas kay Basilio.

BASILIO
O, saan ka na naman pupunta?

CLEOFAS
Ibig ko lang dumungaw uli.

BASILIO
Ano? Bakit, bumabagyo na ba? (Tatawa)

Hindi papatulan ni Cleofas si Basilio. Dudungaw uli siya a,t titingin sa malayo at waring may nakikita. Ngingiti at tatakbo papunta sa isa pang “kanto” ng kanilang kubo.

CLEOFAS
O, Inday, tuloy ka!

Papasok si MARISSA na yakap-yakap si JOHNJOHN.

CLEOFAS
Maupo ka. O, kumusta na ang anak ko?

Uupo si Marissa.

MARISSA
Palagi pong nagkakasakit, Lola.

CLEOFAS
Parang pumapayat ka.
Mukhang kulang ka sa sustansiya at pagkain.

MARISSA
Kasi . . .

CLEOFAS
Alam ko. Sino ba naman sa atin ang hindi naghihirap ngayon?

MARISSA
Totoo pong sinasabi ninyo?

CLEOFAS
Sandali lang, ha, nang makapaglugaw tayo para sa anak mo.
At makapgluto na rin ako para sa hapunan natin.
Ilyong, hulihin mo na nga yon gating manok at magtinola tayo.
Masarap ang sabaw ng tinola at nakakabuti ito sa ating mga gutom.

Tatanggi si Basilio sa pamamagitan ng mga senyas ngunit hindi siya papansinin ni Cleofas.

CLEOFAS
Marissa, iiwan ko muna kayo rito, ha.
Ihahanda lang namin ni Basilio ang ating hapunan.
(Kay Basilio) Halika na, Ilyong.

MARISSA
Salamat po, Lola Pupang.

Lalabas sina Cleofas at Basilio. Maririnig ang tiktak ng isang orasan upang ipahiwatig ang takbo ng oras. Pagkaraan ng ilang sandali, babalik si Cleofas na magdadala ng mga plato at kubyertos. Susunod si Basilio na may dalang tray ng kanin, ulam at lugaw. Ihahanda ni Cleofas ang mesa.


CLEOFAS
O, Marissa, ako na muna ang magpakain sa anak mo.
Ilyong, samahan mo na si Marissa sa hapunan.

MARISSA
Kay buti po ninyo, Lola Pupang, Lolo Ilyong.

Tahimik na kakain sina Marissa at Basilio habang pinapakain naman ni Cleofas si Johnjon ng lugaw. Muling maririnig ang tiktak ng orasan. Pagkaraan ng ilang sandali . . .

MARISSA
Maraming salamat po, Lola Pupang, Lolo Ilyong.
Nabusog po ako at gayun din si Johnjohn.
Malaki po ang aming utang na loob sa inyo.
Magdadalawang araw na rin po kasi kaming hindi nakakain nang mabuti.
Salamat sa inyong binahaging pagkain.

Ibabalik ni Cleofas si Johnjohn kay Marissa.

CLEOFAS
Walang anuman, Inday. Hindi ba, Ilyong?

BASILIO
(Mapipilitang ngumiti)
Oo, Marissa. Walang anuman yon.
Sino pa nga ba ang magtutulungan kundi tayu-tayo rin.

MARISSA
O, sige po. Lola Pupang. Lolo Ilyong.
Mauna na po ako. Maraming salamat po talaga.

CLEOFAS
Walang anuman yon. Mag-ingat ka.
Umuwi ka kaagad at baka uulan na.

MARISSA Opo.


Lalabas si Marissa na yakap-yakap si Johnjohn.


BASILIO
(Maiinis)
Wala pang ulan, wala pa tayong tubig.
Ni bigas o manok man lang na patpatin.
Pupang, naloloka ka nab a?

CLEOFAS
Darating ang biyaya, Ilyong.
Manalig ka sa Panginoon.

BASILIO
Oo, oo. Oo tayo nang oo at ito ang ating kinahinatnan.

Maririnig ang isang kakaibang ingay mula sa labas. Tatakbo si Cleofas papunta sa bintana, dudungaw at makikinig nang mabuti.

CLEOFAS
Naririnig mo ba, Ilyong, ang naririnig ko?
Ingay ng pagbuhos ng ulan.
Uulan, Ilyong. Uulan.

Dudungaw si Ilyong. Hindi siya makakapaniwala sa kanyang Makita. Iiyak siya at luluhod.


BASILIO
Panginoon, patawarin mo ako. Patawarin mo ako.
Nagkulang ako sa pananampalataya.

CLEOFAS
(Lalapit, yuyuko at yayakap kay Basilio)
Kay tamis magtiwala sa Panginoon, Ilyong.
Hindi siya nakakalimot sa kanyang mga pangako.

BASILIO
Totoo ang mga sinasabi mo, Pupang.
Tapat ang Panginoon sa kanyang mga pangako.
Kailangan nating manalig sa kanya.

CLEOFAS
Maligo tayo sa ulan, Ilyong.
Maligo tayo sa kanyang biyaya.

BASILIO
Sige, Pupang. Maliligo tayo.

Lalabas sina Basilio at Cleofas. Muling maririnig ang Voice Over nina Along at Tura.

TURA
Ang pananampalataya, Anak, ay pagtitiwala sa Panginoon
sa lahat ng bagay, sa lahat ng panahon.
Ang pagsisikap ng patuloy na umasa
sa gitna ng mga tandang tumutuksong
wala kang mapapala sa iyong pag-asa.

ALONG
Mabuti sana, Tay, kung ako’y maging isang tao ng pananampalataya.
Nang makatugon ako sa mga hamon ng buhay.
Nang maka-Oo rin ako, katulad ni Maria, sa kalooban ng Panginoon.

TURA
Oo, Anak, oo.
Nawa’y maging tao ka ng pananampalataya, katulad ni Maria.

No comments: