17 Disyembre – ANG ANGKAN NI JESUS
Manalig. Hindi Ka Niya Pababayaan
Mga Babasahin: Genesis 49:2.8-10; Mateo 1:1-17
Mga Tauhan:
JENNY, Isang Japayuki
TINA, Isang Japayuki
[Isay: Ina ni Jenny: Offstage ]
Pagkabasa ng Ebanghelyo o pagkahomilya, papasok si JENNY at uupo sa isang upuang nakalagay sa harap ng altar. Magme-make-up siya. Nakadamit pangsayaw siya at mukhang naghihintay ng kanyang number. Habang nagme-make-up, papasok si TINA.
TINA
(Mag-aabot ng sobre) Jenny, may sulat ka.
Galing sa inyo.
Nakalimutan kong ibigay sa iyo kanina.
Sorry ha.
Isasantabi ni Jenny ang kanyang make-up kit at bubuksan ang sobre. Excited siya. Pagkapunit ng sobre, itatapon niya ito at babasahin kaagad ang sulat. Maglalakad-lakad siya habang nagbabasa.
Maririnig ang VOICE OVER ni ISAY, Ina ni Jenny.
ISAY (Offstage)
Kumusta na, Anak.
Paskong-pasko na dito sa atin, Anak.
Maiingay na ang mga daan dahil sa mga batang nagkakaroling.
At kahit pinagbabawal marami na rin ang nagpapaputok ng rebentador.
At ngayon, miss na miss ka na namin.
Ikalawang araw pala ngayon ng mga Misa de Aguinaldo.
At kanina, napakaganda ng homilya ng ating pari.
Pagkabasa niya ng mga pangalan ng angkan ni Jesus,
nagnilay at nagbahagi siya
hinggil sa apat na babaing nakasama sa listahan:
sina Tamar, Rahab, Ruth at Batseba.
Sabi niya, nakakamangha talaga ang pag-ibig ng Diyos.
Na sa kanyang plano na magpadala ng kanyang Anak,
bahagi ang iilang banyaga at makasalanang babae.
At kung ito raw ay ating pagnilayang mabuti,
ito’y nagpapahiwatig na kahit tayo ay makasalanan, mahal pa rin tayo ng Panginoon.
Ang kinakailangan lamang natin ay magbalik-loob sa kanya at manalig.
Mapaiyak si Jenny. Pagkabasa, uupo siya at tatanggalin ang kanyang make-up. Papasok si Tina.
TINA
Jenny, ikaw na. In 5 minutes.
Hindi sasagot si Jenny. Lalapitan siya ni Tina.
TINA
Hoy, Day, ano bang nangyari sa iyo?
Bakit ka nagtatanggal ng make-up?
Ikaw na ang sunod na sasayaw.
JENNY
Uuwi na ako, Tina.
Ayaw ko nang sumayaw.
TINA
Gaga! Wang-bu ka na ba?
Kay daming kustomer ngayon.
Babaha ang pera, Day.
JENNY
Pasko na, Tin.
At sa Pasko, pag-ibig ang higit na mahalaga.
Hindi ang pera.
Mapapahinto si Tina sa mga sinabi ni Jenny.
JENNY
O, sige, Tin. Mauna na ako.
Maligayang Pasko.
Yayakapin ni Jenny si Tina. Mag-iiyakan sila.
JENNY
O baka gusto mo na ring sumama sa akin.
Mahal tayo ng Diyos.
Hindi niya tayo pababayaan.
Iiyak si Tina. Kanyang susuyurin ng tingin ang kanilang dressing room. At upang mapahiwatig na sasama siya kay Jenny, tatanggalin rin niya ang kanyang make-up. Tutulungan siya ni Jenny. Pagkatanggal, kanilang itatapon ang kanilang mga make-up kit. Pagkatapon, sabay silang lalabas.
Wednesday, June 25, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment