16 Disyembre -- ANG PAG-IBIG NG DIYOS
Dumarating Ang Pag-asa
Mga Pagbasa: Isaias 54:1-10; Lukas 7:24-30
Mga Tauhan:
TAO 1
TAO 2
MAYSAKIT
PULUBI
STRIKER
Mga ilang sandali pagkabasa ng Ebanghelyo o pagkahomilya, papasok na parang walang mga lakas ang mga MAYSAKIT, PULUBI at STRIKER at pupunta sa harapan ng altar, sa ginta ng kapilya o simbahan. Maririnig ang isang napakalungkot na awit o hiyaw ng isang babae. Walang ibang ingay. Iikot sila nang iikot, na parang walang patutunguhan, hanggang sa matapos ang malungkot na awit o hiyaw.
Pagkatapos ng awit o hiyaw, magfe-freeze ang LAHAT. Pagka-freeze, papasok kaagad si TAO 1 na parang may hinahanap. Pagkapasok niya, susunod si TAO 2 na parang may hinahanap din. Kunwari hindi nila nakikita ang isa’t isa hanggang sa sila’y magkabungguan at magkatinginan.
Mananatiling naka-freeze ang ibang mga Tauhan.
TAO 1 Nakita mo na ba ang Mesiyas?
TAO 2 Hindi pa.
Maglalakad-lakad sina TAO 1 at TAO 2 sa gitna ng mga Maysakit, Pulubi at mga Striker.
TAO 1
Darating kaya siya?
TAO 2
Darating siya. Sigurado akong darating siya.
TAO 1
Saan naman kaya siya manggagaling?
At saan naman kaya siya magpapakita sa atin?
TAO 2
Dito! Dito sa gitna natin siya lilitaw.
Dito sa gitna nating mahihirap siya magpapakita.
TAO 1
Hindi kaya sa isang malaking hotel dito sa Maynila?
O sa Senado o Kongreso?
O sa belen ng isang mayaman dito sa ating barangay?
TAO 2
Hindi! Dito sa gitna nating tumatangis
at nawawalan ng pag-asa mananahan ang Mesiyas.
TAO 1
Ngunit, anak siya ng Diyos?
Posible bang . . . maging katulad natin siya?
Maaari ba siyang kumain ng daing o sardines?
O mag-uulam ng talbos ng kamote?
TAO 2
Dahil sa pag-ibig, maaari ang lahat.
Dahil sa kanyang pagmamahal sa atin, magpapakatao siya.
TAO 1
Maganda sana kung magkatotoo ang iyong mga sinasabi.
Marami talaga ang nangangailangan sa kanya ngayon.
Tatapikin ni TAO 2 ang isa sa mga Maysakit, Pulubi at Striker. Gagalaw at ngingiti ang Lahat. Haharap sila sa Manonood.
TAO 2
Tapat ang Panginoon sa kanyang mga pangako.
Kailangan lamang nating magtiwala.
Na manalig sa kanya.
Katulad ng pananalig ng Israel sa kanyang mga salita.
TAO 1
Darating na sana ang Manliligtas.
Upang itong ating pananangis ay mapalitan na ng ligaya.
At itong ating kadiliman ay mapalayas ng kanyang liwanag.
TAO 2
Magtiwala sa Panginoon.
LAHAT
Dumarating ang Pag-asa.
Hindi masasayang ang ating paghihintay.
Darating siya!
Wednesday, June 25, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment