ANG PAGDALAW NI MARIA KAY ELISABET
Ikaw, Ako, Magkapatid
Mga Pagbasa: Zacarias 3:14-18; Lukas 1:39-45
Mga Tauhan:
OLAY, Gitarista
LULU, Presidente, Chapel Pastoral Council
TAO 1, Miyembro, Chapel Pastoral Council
TAO 2, Miyembro, Chapel Pastoral Council
CHOIR
Pagkabasa ng Ebanghelyo o pagkahomilya, papasok si LULU at hahanapin si Olay sa gitna ng mga Manonood. Hindi niya makikita si Olay at iiling siya. Tatawagin ni Lulu sina Tao 1 at Tao 2 na nakaupo sa gitna ng karamihan. Tatayo sina TAO 1 at TAO 2 at lalapit kay LULU.
LULU
Si Olay?
TAO 1
Hindi ko pa rin siya nakikita, e.
TAO 2
Magdadalawang linggo na siyang hindi nakakasimba sa atin.
TAO 1
Mukhang may problema ang binata.
LULU
Mabuti pa siguro kung dadalawin ko siya.
TAO 2
Kailangan natin siya sa ating choir.
Magaling siya maggitara at magturo ng kanta sa mga bata.
LULU
Sige. Tutuloy muna ako sa kanila habang hindi pa mainit ang araw.
Lalabas si Lulu at susunod sina Tao 1 at Tao 2.
Papasok si OLAY na buhat-buhat ang isang sakong puno ng mga lumang lata. Isasantabi ni Olay ang kanyang dala. Pagkasantabi, papasok si Lulu at lalapit kay Olay.
LULU
Olay, kumusta?
OLAY
(Magugulat)
Uy, kayo pala, Ate Lulu.
LULU
Kumusta? Matagal-tagal ka na rin naming hindi nakikita.
OLAY
Heto po, nag-iipon ng mga lata at lumang pahayagan.
At kung ano pa pong maaaring mapakinabangan.
Nagbabakasakaling makapagbenta at magkapera
nang makapagbili ng pagkain at gamot.
LULU
Ganoon ba?
OLAY
Nagkasakit kasi si Nanay—mga dalawang linggo na.
Kaya kinakailangan kong pumunta sa tambakam tuwing umaga.
LULU
Kaya pala hindi ka na nagawi sa kapilya natin.
OLAY
Sori po talaga, Ate Lulu.
LULU
Baka makatulong kami sa iyo.
Katulad ng pagtulong mo sa ating choir.
OLAY
Huwag na po kayong mag-alala, Ate.
Kapag magaling na si Nanay, babalik agad ako sa kapilya.
LULU
O, siya. Bibisita na lang uli ako sa iyo rito.
OLAY
O, sige po, Ate. Salamat sa iyong pagdalaw.
Ikumusta niyo na lang po ako sa iba.
LULU
O, sige. Salamat din.
Lalabas si Lulu at susunod si Olay. Papasok sina Tao 1 at Tao 2 at kanilang sasalubungin si Lulu na papasok sa kabilang kanto ng entablado. Papasok si Lulu.
LULU
Ano kaya ang maitutulong natin kay Olay?
Mag-iisip sina Tao 1 at Tao 2.
TAO 1
Mabuti pa siguro kung magbukod tayo ng pondo
para sa Social Service ng ating kapilya.
TAO 2
Na maaari nating gamitin para sa mga miyembro
ng ating kapilya na nangangailangan.
TAO 1
Lalung-lalo na sa mga kasaping ibig maglingkod
ngunit nahihirapan dahil sa kanilang kawalan.
LULU
Mabuti. Mabuti ang inyong mungkahi.
Magpaplano sina Lulu, Tao 1 at TAO 2 at, pagkaraan ng ilang sandali, ay maglalakad.
LULU
Tao po! Tao po!
Papasok si Olay.
OLAY
Kayo pala, Ate, Kuya. Tuloy po kayo.
TAO 1
O, Olay, kumusta?
OLAY
Mabuti naman po.
Darating ang iilang MIYEMBRO ng CHOIR na may dalang mga basyong lata at lumang mga pahayagan.
OLAY
Pasensiya na kayo rito sa amin, ha.
Hindi mapapalagay si Olay sa harap ng kanyang mga bisita at mapapansin ito ni Lulu.
LULU
Nagdala kami ng mga prutas para sa Nanay mo, Olay.
(Iaabot ang mga prutas) Kumusta na siya?
OLAY
Mabuti-buti na po. Medyo malakas na po siya.
(Tatanggapin ang iniabot na mga prutas) Salamat po.
TAO 2
Nakapag-isip din kaming magdala
ng mga basiyong lata at mga lumang peryodiko.
OLAY
Sana hindi na po kayo nag-abala pa pero salamat.
(Tatanggapin ang mga iaabot)
LULU
Isang Simbahan tayo at isang komunidad.
Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayu-tayo rin.
TAO 1
Walang kabuluhan an gating pag-a-Ama Namin
kung hindi natin pinapakita ang ating pagiging kapatid sa gawa.
Sa ating pagtutulungan sa isa’t isa.
OLAY
Salamat. Salamat talaga sa inyong kabutihan.
LULU
At iyong Choir naman natin ay panay ang praktis kahit wala ka.
May awit nga raw sila para sa iyo.
TAO 1
(Sa Choir) O, sige. Makikinig kami ni Olay sa inyo.
Ngingiti si Olay. Pupuwesto ang mga miyembro ng Choir.
SOLOIST
Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.
Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang.
LAHAT
Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa.
Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling niya.
Papalakpak sina Olay, Lulu, Tao 1 at Tao 2.
OLAY
Salamat. Salamat talaga. Hayaan n’yo. Babalik din ako.
(Makikipagkamayan si Olay sa mga kasapi ng Choir)
CHOIR
Yehey!
LULU
(Sa Manonood)
Ang ating Simbahan ay isang komunidad ng mga alagad ni Kristo.
Isang sambayanan na nagkakaisa, hindi lamang sa pananampalataya,
kundi sa paglilingkod din ng ating kapatid.
TAO 1
Ang ating Simbahan ay isang komunidad ng Pag-ibig at Pagtutulungan.
TAO 2
Tayo ay Simbahan ng mga Dukha na walang ibang kayamanan kundi ang Panginoon lamang
At ang pagmamahalang nagbubuklod sa atin bilang isang sambayanan.
CHOIR
(Aawit)
Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa.
Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling niya.
Magyayakapan ang Lahat.
Wednesday, June 25, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment