Wednesday, June 25, 2008
23 December Advent Skit
ANG PAGSILANG KAY JUAN BAUTISTA
Kamangha-mangha ang Kanyang mga Paraan
Mga Pagbasa: Malakias 3:1-4,23-24; Lukas 1:57-66
Mga Tauhan:
DENNIS, Binatang Drug Dependent
LITO, Ama ni Dennis
ANNIE, Ina ni Dennis
GINO, Kaibigan ni Dennis
Pagkabasa ng Ebanghelyo o pagkahomilya, papasok si Dennis, tutuloy sa may harap ng altar at makipag-usap sa Manonood.
DENNIS
Ako si Dennis at isa akong drug-dependent.
Nasa hayskul pa ako noon nang magsimula akong gumamit ng drugs.
Sa simula, trip lang.
Ngunit, hindi nagtagal, ito na ang naging solusyon sa aking mga problema.
Heaven ang aking pakiramdam sa bawat paggamit ko nito.
Para kasi akong lumilipad—walang impyerno para sa akin
Habang ako’y pumapailanlang sa kung saan-saan.
Papasok sina LITO at ANNIE. Pagkapasok, itutulak ni Lito si Annie. Madadapa si Annie. Tatayo si Annie, haharapin si Lito at sasampalin. “Tahimik” silang magpapatuloy ng kanilang away.
DENNIS
Palaging nag-aaway ang aking mga magulang.
Walang tigil ang kanilang sagutan.
Sasampalin ni Mommy si Daddy,
Susuntukin naman ni Daddy si Mommy.
Umaga, tanghali, gabi—wala silang pahinga sa away.
Itutulak palabas ni Lito si Annie. Madadapa uli si Annie. Tatayo at lalabas si Annie. Susunod si Lito.
Papasok si GINO. Lalapit siya kay Dennis at bubulong.
DENNIS
Kahit minsan lang daw, sabi ng kaibigan ko.
Para naman daw matakasan ko ang aking problema.
GINO
You need it, Pare!
DENNIS
At naniwala ako sa kanya.
At mula noon, drugs na ang aking naging takbuhan.
Tatalikod sina Dennis at Gino sa Manonood bilang pagpapahiwatig na siya ay magda-drugs. Pagkaraan ng ilang sandali, haharap si Dennis sa Manonood habang lalabas naman si Gino.
DENNIS
Mula noon, iniwasan ko na ang aking mga magulang.
Tinalikdan ko na rin ang aking pag-aaral.
At kahit Diyos at kinalimutan ko na.
Yuyuko si Denis at pupulot ng isang pirasong papel sa sahig.
Hanggang sa . . .
Nakapulot ako ng isang pahina na pahayahan
At nakita ko ang mukha ng isang batang gusgusin.
Buto’y balat na lang ang bata.
At sa isang iglap ay nakarinig ako ng boses na nagsasabing,
“Pakainin mo ako.”
Lumingon ako ngunit wala akong nakita.
Nag-iisa lang ako.
Muli kong tiningnan ang larawan at muli ko na namang narinig ang tinig,
“Pakainin mo ako.”
Hihinto si Dennis ng ilang sandali, titingin sa malayo at, pagkaraan ng ilang sandali, ay magpapatuloy.
Sa loob ng iilang sandali, parang nanlumo ako.
At hindi ko napansin, lumuluha na pala ako.
Ayaw kong umiyak.
Lalaki ako’t ayaw kong magpahayag ng mga damdaming ganito.
Ngunit wala akong magawa.
Tuluy-tuloy na dumaloy ang aking mga luha
at bigla na ko na lang naisip na kailangan ko nang umuwi.
Papasok sina Lito at Annie at kanilang yayakapin si Dennis.
Nagulat ako.
Hindi ko aakalaing tatanggapin nila ako nang buong tuwa.
Niyakap nila ako’t hinalikan.
Parang katulad ng tuwang naramdaman ng Ama sa talinghaga ng Alibughang Anak.
Hahalikan ni Dennis sina Lito at Annie. Lalabas sina Lito at Annie.
Ngayon, tuwing naaalala ko ang mga pangyayari sa aking buhay,
palagi kong tinatanong kung anong mga aral ang aking napulot.
Pinakaimportante, para sa akin, ay na mahal ako ng Panginoon.
Gago man ako, makasalanan man ako, mahal ako ng Diyos.
Walang kondisyon pa rin ang kanyang pag-ibig para sa akin.
Nadungisan man ako ng kasalanan
gunit nilinis niya ako sa kanyang pagpapatawad
at pagtanggap ng aking mga magulang sa akin.
Sa kanyang liwanag ako ay kanyang pinaligo upang itong buhay
at magbigay ng liwanag sa iba.
Papasok sina Lito, Annie at Gino.
Marami ang nagulat sa aking pagbago.
Ano raw ba ang aking sekreto?
(Tatawa) Ano ba nga ba’t kundi ang Panginoon!
Ang Panginoon na nagkatawang-tao para sa akin.
Ibinigay niya ang kanyang sarili para sa aking kaligtasan.
Ngayon, tuwing iniisip ko ang pagkamangha ng mga tao
hinggil sa mga pangyayaring may kinalaman sa pagsilang ni Juan,
hindi ko mapigilang mapangiti.
Parang hindi pa rin nagbabago ang tao.
Parang hindi pa rin namulat ang tao
na tunay na nakakamangha ang mga paraan ng Panginoon.
Darating ang Panginoon ngayong Pasko at, sigurado ako,
Na kung atin siyang papasukin sa ating mga puso,
Marami pang kamangha-manghang pagbabago ang mangyari sa ating buhay.
Advance Merry Christmas!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment