Thursday, June 26, 2008

Production Notes

MGA TALA AT MUNGKAHI SA PRODUKSIYON

Pangkalahatang Tala at Mungkahi

1 Sadyang kaunti lamang ang mga Tauhan upang madaling maitanghal ang mga adskit kahit saan: sa kapilya, sa loob ng klasrum, sa ibabaw ng jeep, o kung saan mang entablado.

2 Sadyang walang kasarian ang karamihan sa mga Tauhan—Tao 1, Tao 2 lamang ang nakalagay. Unang-una, upang bigyang kalayaan ang Direktor sa pagpapasiya kung sino ang maaaring gumanap ng papel, lalaki ba o babae, ayong sa kanyang pag-conceptualize ng skit at ayon rin sa kakayahan ng kanyang mga aktor. At, pangalawa, upang kahit sino na may kakayahang umarte ang maghangad na gumanap sa papel na ito.

3 Sadyang pinutol ang karamihan sa mga linya. Ito ay upang, sa pagbasa pa lang ng iskrip, matulungan ang mga Tauhan sa pagsaulo at “pagputol” ng kanilang mga sasabihin.

4 Kung ang tagpuan at isyu ng ilang mga adskit ay hindi bagay sa inyong komunidad, palitan ang mga ito ng mas bagay na tagpuan at isyu.




Partikular na mga Tala at Mungkahi

16 Disyembre
1 Sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mga tauhan, katulad ng mga MAYSAKIT, PULUBI at STRIKER, bilang mga kinatawan ng lipunan, maaaring ipalabas ang adskit bilang silang pang-malawakang multi-sectoral rally. Sa ganitong paraan, maaaring maipaabot sa Manonood ang samu’t saring isyu ng komunidad.

Maaaring may isang batang magdala ng plakard kung saan nakasulat, “Nay! Tay! Pasko na! Umuwi na po kayo’t miss na naming kayo!” upang ipahayag ang kalungkutan ng mga pamilyang nagkahiwalay dahil sa paghahanap-buhay sa ibang bansa.

2 Hangga’t maaari, ipalitaw na luma at sira-sira na ang mga plakard nang maipaabot sa Manonood na matagal nang gingamit ang mga ito ngunit, hanggang ngayon, ay wala pa ring nangyari. At dahil wala pa ring nangyayari, malapit nang mawalan ng pag-asa ang mga taong may hawak ng mga nasabing plakard.

3 Ang palabas sa ika-24 ng Disyembre, ang Hula ni Zacarias, ay para ring isang multi-sectoral rally. Isang magandang halimbawa ito sa teknik na tinatawag na inclusio o maayos na pagsimula at pagtapos ng isang mahabang kuwento. Kung saan nagsimula, doon din magtatapos.

17 Disyembre
1 Itakbo kaagad ang isang maliit na upuan, maliit na mesa, at 2 make up kits sa harap ng altar, pagkabasa ng Ebanghelyo o pagkatapos ng homilya upang makapasok kaagad si Jenny.

2 Ingatang mabuti ang pagpili ng damit-pangsayaw na isusuot ni Jenny. Kailangang maganda ito ngunit hindi nakakaiskandalo dahil ang tagpuan ay sa loob ng Banal na Misa.

3 Para sa Voice Over, pumili ng isang babae na may malumanay at dramatic na boses upang madaling maantig ang mga damdamin ng Manonood/Tagapagpakinig.

4 Maaaring taped ang Voice Over ni Isay. Kung recorded na, pagsikapang “malinis” ang pagka-tape nito upang hindi maging distracting sa pakikinig.

5 Huwag damilhan ang mga nilalaman ng make-up kits upang, sa pagtapon nito, hindi marami ang pupulutin.

18 Disyembre
1 Tatayo kasama sa Manonood sina Tao 1 habang binabasa ng pari o diyakono ang ebanghelyo. Papasok siya pagkabasa ng ebanghelyo at pagkaupo ng mga nagsisimba. Kung ang palabas ay pagkatapos ng homilya, makikiupo muna siya sa mga nagsisimba.

2 Sa “Meron akong pangarap . . . meron akong pangarap,” inaasahan na magising ang Manonood sa kanilang “pagkatulog” hindi lamang sa tunay na pagkatulog sa loob ng kapilya/simbahan kundi magising din sa mga isyu ng lipunan habang hinihintay ang pagdating ng Panginoon.

3 Maaaring “magulo” ang pagpapalita ng mga linya ng mga Tauhan. Sadya ito. Bahagi ito sa pagpapaabot ng excitement sa pagdating ng Mesiyas.

19 Disyembre
1 Ihanda ang isang mahabang upuan para kina Kokoy at Mando.

2 Pagsikapang “malinis” ang pag-tape ng piton g lantsa. At dahil 8 beses maririnig ang pito ng lantsa, mag-record ng higit sa 10 pito upang hindi kailangang mag-rewind nang mag-rewind.

20 Disyembre
1 Ayusin ang choreography. Sasayaw sina Tao 1, Tao 2, at Tao 3. Gawing simple ang mga dance steps upang madaling sundan.

2 Kung kinakailangan, palitan ang mga “pangarap” nina Tao 1, Tao 2, at Tao 3. Baka sa inyong komunidad, may mga ibang isyu kayong ibig ipanalangin.


21 Disyembre
1 Pagsikapang “malinis” ang pagpapalit-palit ng mga eksena.

2 Sa mga komunidad na rural, baka hindi bagay ang pagpili ng basurahan o tambakan bilang setting ng adskit. Kung kinakailangan, palitan ang setting. Ngunit panatilihing pareho pa rin ang tema—ang pagtutulungan sa loob ng sambayanang kristiyano.

22 Disyembre
1 Kung makakadisturbo ang pagdribol ng basketball sa loob ng kapilya/simbahan, gawin na lang na imaginary ang bola ni Player 3. Kung hindi makadisturbo, ituloy ang paggamit ng tunay na basketball. Makukuha nito ang atensiyon ng Manonood.

2 Kung maaari, gawing lalaki lahat ng mga Players. Marami siguro ang hindi sasang-ayon kung mixed na babae at lalaki ang basketball team.

23 Disyembre
1 Huwag gumamit ng mga bagay na nagsasagisag ng drugs. Hindi maganda, halimbawa, ang pagpapakita ng isang actor na naninigarilyo sa loob ng kapilya/simbahan. Manatili sa larangan ng pahiwatig.

24 Disyembre
1 Maaaring ibigay sa Pari ang papel ni Zacarias, kung gusto niya.

2 Humingi ng tulong sa isang choreographer para sa magagandang movements na babagay sa isang dramatic choral recitation.

Ika-4 na Linggo ng Adbiyento
1 Kung recorded ang Voice Over nina Along at Tura, pagsikapang “malinis” ang pag-record nito.

2 Maaaring bilisan ang pagluto ng pagkain nang hindi hahaba ang palabas. Ang importante ay maipabot sa Manonood ang kagandang loob ni Cleofas sa gitna ng kanilang kawalan.

3 Maghanda ng angkop na sound effects, una, para sa tiktak ng orasan upang ipahiwatig ang paglipas ng oras, at, pangalawa, para sa ulan, upang ipahiwatig ang pagbuhos nito.

Wednesday, June 25, 2008

4th Sunday in Advent Skit


ANG PAGPAPAHAYAG NG PAGSILANG NI JESUS
Maria, Baba eng Pananampalataya


Mga Pagbsa: 2 Samuel 7:1-5.8-12.14; Roma 16:25-27; Lukas 1:26-38

Mga Tauhan:
BASILIO, Matanda, Asawa ni Cleofas
CLEOFAS, Matanda, Asawa ni Basilio
MARISSA, Dalagang Ina
JOHNJOHN, Anak ni Marissa
[ ALONG, Anak ni Tura, Offstage ]
[ TURA, Ama ni Along, Offstage ]

Pagkabasa ng Ebanghelyo o pagkahomilya, maririnig ang Voice Over nina ALONG at TURA.

ALONG
(Offstage)
Bakit tinatawag na mapalad si Maria, Tay?
Anong grasya meron siya at siya ang napiling maging Ina ng Diyos?

TURA
(Offstage)
Isang babae na puno ng pananampalataya si Maria, Anak.
Dahil dito, pinili siya ng Panginoon.

ALONG
Ano po ba ang pagiging puno ng pananampalataya, Tay?

TURA
Makinig ka’y may ikukuwento ako sa iyo.

Ipapasok ang 1 maliit na mesa at 2 upuan.

TURA
Noong isang taon . . .
Sa Sa Jose , . .

Papasok sina BASILIO at CLEOFAS. Dudungas sa “bintana” si Cleofas. Uupo si Basilio at iiling.

BASILIO
Walang mahuhulog ni isang patak na ulan, Pupang.
Kaya tigilin mo na yang padungaw-dungaw mo.

CLEOFAS
Mukha kasing madilim doon sa may silangan.

BASILIO
Madilim ang ating kinabukasan.
Iyan ang ibig sabihin ng nakikita mo.

CLEOFAS
Baka ito na ang ipinangakong ulan.

BASILIO
Huwag ka na ngang maniwala sa mga panga-pangakong iyan.
Iyan ang dahilan ng ating pagkapako sa kahirapan.

CLEOFAS
Nagbabakasakali lang ako, Ilyong.
Umaasang maging tapat ang Panginoon sa kanyang mga pangako.

BASILIO
Huminto ka na nga diyan sa kadadasal-dasal mo.
Tingnan mo, isang pitsel ng tubig na lamang meron tayo.
Isang lapad ng gatas at 1 patpating manok.
Iilang hapunan na lang at tepok na tayo.
Tayo naman ang magiging hapunan ng mga uod sa sementeryo.
Wala ng pag-asa itong tuyo nating bayan.
At itong ating natuyuang buhay.

CLEOFAS
Ilang beses kitang pinaalalahanan noon, Ilyong.
Na huwag sumama sa pagpuputol ng mga kahoy sa ating kagubatan.
Kung nakinig lamang kayo sa akin,
hindi siguro magkaganito ang ating bayan.

Lalayo si Cleofas kay Basilio.

BASILIO
O, saan ka na naman pupunta?

CLEOFAS
Ibig ko lang dumungaw uli.

BASILIO
Ano? Bakit, bumabagyo na ba? (Tatawa)

Hindi papatulan ni Cleofas si Basilio. Dudungaw uli siya a,t titingin sa malayo at waring may nakikita. Ngingiti at tatakbo papunta sa isa pang “kanto” ng kanilang kubo.

CLEOFAS
O, Inday, tuloy ka!

Papasok si MARISSA na yakap-yakap si JOHNJOHN.

CLEOFAS
Maupo ka. O, kumusta na ang anak ko?

Uupo si Marissa.

MARISSA
Palagi pong nagkakasakit, Lola.

CLEOFAS
Parang pumapayat ka.
Mukhang kulang ka sa sustansiya at pagkain.

MARISSA
Kasi . . .

CLEOFAS
Alam ko. Sino ba naman sa atin ang hindi naghihirap ngayon?

MARISSA
Totoo pong sinasabi ninyo?

CLEOFAS
Sandali lang, ha, nang makapaglugaw tayo para sa anak mo.
At makapgluto na rin ako para sa hapunan natin.
Ilyong, hulihin mo na nga yon gating manok at magtinola tayo.
Masarap ang sabaw ng tinola at nakakabuti ito sa ating mga gutom.

Tatanggi si Basilio sa pamamagitan ng mga senyas ngunit hindi siya papansinin ni Cleofas.

CLEOFAS
Marissa, iiwan ko muna kayo rito, ha.
Ihahanda lang namin ni Basilio ang ating hapunan.
(Kay Basilio) Halika na, Ilyong.

MARISSA
Salamat po, Lola Pupang.

Lalabas sina Cleofas at Basilio. Maririnig ang tiktak ng isang orasan upang ipahiwatig ang takbo ng oras. Pagkaraan ng ilang sandali, babalik si Cleofas na magdadala ng mga plato at kubyertos. Susunod si Basilio na may dalang tray ng kanin, ulam at lugaw. Ihahanda ni Cleofas ang mesa.


CLEOFAS
O, Marissa, ako na muna ang magpakain sa anak mo.
Ilyong, samahan mo na si Marissa sa hapunan.

MARISSA
Kay buti po ninyo, Lola Pupang, Lolo Ilyong.

Tahimik na kakain sina Marissa at Basilio habang pinapakain naman ni Cleofas si Johnjon ng lugaw. Muling maririnig ang tiktak ng orasan. Pagkaraan ng ilang sandali . . .

MARISSA
Maraming salamat po, Lola Pupang, Lolo Ilyong.
Nabusog po ako at gayun din si Johnjohn.
Malaki po ang aming utang na loob sa inyo.
Magdadalawang araw na rin po kasi kaming hindi nakakain nang mabuti.
Salamat sa inyong binahaging pagkain.

Ibabalik ni Cleofas si Johnjohn kay Marissa.

CLEOFAS
Walang anuman, Inday. Hindi ba, Ilyong?

BASILIO
(Mapipilitang ngumiti)
Oo, Marissa. Walang anuman yon.
Sino pa nga ba ang magtutulungan kundi tayu-tayo rin.

MARISSA
O, sige po. Lola Pupang. Lolo Ilyong.
Mauna na po ako. Maraming salamat po talaga.

CLEOFAS
Walang anuman yon. Mag-ingat ka.
Umuwi ka kaagad at baka uulan na.

MARISSA Opo.


Lalabas si Marissa na yakap-yakap si Johnjohn.


BASILIO
(Maiinis)
Wala pang ulan, wala pa tayong tubig.
Ni bigas o manok man lang na patpatin.
Pupang, naloloka ka nab a?

CLEOFAS
Darating ang biyaya, Ilyong.
Manalig ka sa Panginoon.

BASILIO
Oo, oo. Oo tayo nang oo at ito ang ating kinahinatnan.

Maririnig ang isang kakaibang ingay mula sa labas. Tatakbo si Cleofas papunta sa bintana, dudungaw at makikinig nang mabuti.

CLEOFAS
Naririnig mo ba, Ilyong, ang naririnig ko?
Ingay ng pagbuhos ng ulan.
Uulan, Ilyong. Uulan.

Dudungaw si Ilyong. Hindi siya makakapaniwala sa kanyang Makita. Iiyak siya at luluhod.


BASILIO
Panginoon, patawarin mo ako. Patawarin mo ako.
Nagkulang ako sa pananampalataya.

CLEOFAS
(Lalapit, yuyuko at yayakap kay Basilio)
Kay tamis magtiwala sa Panginoon, Ilyong.
Hindi siya nakakalimot sa kanyang mga pangako.

BASILIO
Totoo ang mga sinasabi mo, Pupang.
Tapat ang Panginoon sa kanyang mga pangako.
Kailangan nating manalig sa kanya.

CLEOFAS
Maligo tayo sa ulan, Ilyong.
Maligo tayo sa kanyang biyaya.

BASILIO
Sige, Pupang. Maliligo tayo.

Lalabas sina Basilio at Cleofas. Muling maririnig ang Voice Over nina Along at Tura.

TURA
Ang pananampalataya, Anak, ay pagtitiwala sa Panginoon
sa lahat ng bagay, sa lahat ng panahon.
Ang pagsisikap ng patuloy na umasa
sa gitna ng mga tandang tumutuksong
wala kang mapapala sa iyong pag-asa.

ALONG
Mabuti sana, Tay, kung ako’y maging isang tao ng pananampalataya.
Nang makatugon ako sa mga hamon ng buhay.
Nang maka-Oo rin ako, katulad ni Maria, sa kalooban ng Panginoon.

TURA
Oo, Anak, oo.
Nawa’y maging tao ka ng pananampalataya, katulad ni Maria.

24 December Advent Skit

ANG HULA NI ZACARIAS
Ang Ating Awit

Mga Pagbasa: 2 Samuel 7:1.8-12.14.16; Lukas 1:67-79

Mga Tauhan:
ZACARIAS
GRUPO 1
GRUPO 2
GRUPO 3
[ VOICE OVER: Offstage ]

Ito ay isang dramatic choral recitation ng Ebahenglyo. Pagkabasa ng Ebanghelyo o pagkahomilya, papagitna sa harapan ng altar ang iba’t ibang GRUPO. Upang maipaabot na ang pagtitipon ay isang multi-sectoral rally, iba’t iba rin dapat ang isinusuot ng mga Tauhan: may mga magsasaka, mangingisda, estudyante, doktor, nars, katutubo, madre at iba pa. Ito ay isang pagpapahayag na ang Hula ni Zacarias ay hindi lamang kay Zacarias kundi Awit din ng lahat ng mga Tao kahapon, ngayon, at sa darating pang mga taon.

Pagdating ng mga Grupo sa kani-kanilang puwesto, maririnig ang instrumental music na pang-Adbiyento. Pagkatugtog ng musika, magha-humming ang Lahat bilang pagsabay sa tinutugtog na musika. Patuloy ang instrumental music hanggang matapos ang choral recitation. Hihinto ang humming pagkasigaw ni Zacarias ng kanyang unang linya.

Papasok si Zacarias at papagitna. Maririnig ang Voice Over


VOICE OVER
(Offstage)
Napuno ng Espiritu Santo ang kanyang Ama na si Zacarias
at humula nang ganito:

ZACARIAS
Purihin ang Panginoong Diyos ng Israeel!
Sapagkat nilingap niya at pinalaya ang kanyang bayan.

Hihinto ang humming. Iikut-ikot si Zacarias sa mga Grupo.

GRUPO 1
At nagpadala siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
mula sa lipi ni David na kanyang lingkod.

GRUPO 2
Ipinangako niya
sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta noong una,
Na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway at sa lahat ng napopoot sa atin.

GROUP 3
Ipinangako rin niya na kahahabagan ang ating mga magulang
At alalahanin ang kanyang banal na tipan.

ZACARIAS
Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham.

GRUPO 1
Na ililigtas tayo sa ating mga kaaway
upang walang takot na makasamba sa kanya.

GRUPO 2
At maging banal at matuwid sa kanyang paningin
habang tayo’y nabubuhay.

ZACARIAS
Ikaw naman, Anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan;

GRUPO 3
Sapagkat mauuna ka sa Panginoon
upang ihanda ang kanyang mga daraanan.

GRUPO 1
At ituro sa kanyang bayan ang landas ng kaligtasan,

GRUPO 2
Ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.
Sapagkat lubhang mahabagin ang ating Diyos.

GRUPO 3
Magbubukang-liwayway sa atin ang araw ng kaligtasan

LAHAT
Upang magbigay-liwanag sa mga nasa kadiliman
at nasa lilim ng kamatayan.

ZACARIAS
At patnubayan tayo tungo sa daan ng kapayapaan.

VOICE OVER
(Offstage)
Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang Espiritu.
Siya’y tumira sa ilang hanggang sa araw na magpakilala siya sa Israel.

23 December Advent Skit


ANG PAGSILANG KAY JUAN BAUTISTA
Kamangha-mangha ang Kanyang mga Paraan

Mga Pagbasa: Malakias 3:1-4,23-24; Lukas 1:57-66

Mga Tauhan:
DENNIS, Binatang Drug Dependent
LITO, Ama ni Dennis
ANNIE, Ina ni Dennis
GINO, Kaibigan ni Dennis

Pagkabasa ng Ebanghelyo o pagkahomilya, papasok si Dennis, tutuloy sa may harap ng altar at makipag-usap sa Manonood.

DENNIS
Ako si Dennis at isa akong drug-dependent.
Nasa hayskul pa ako noon nang magsimula akong gumamit ng drugs.
Sa simula, trip lang.
Ngunit, hindi nagtagal, ito na ang naging solusyon sa aking mga problema.
Heaven ang aking pakiramdam sa bawat paggamit ko nito.
Para kasi akong lumilipad—walang impyerno para sa akin
Habang ako’y pumapailanlang sa kung saan-saan.

Papasok sina LITO at ANNIE. Pagkapasok, itutulak ni Lito si Annie. Madadapa si Annie. Tatayo si Annie, haharapin si Lito at sasampalin. “Tahimik” silang magpapatuloy ng kanilang away.

DENNIS
Palaging nag-aaway ang aking mga magulang.
Walang tigil ang kanilang sagutan.
Sasampalin ni Mommy si Daddy,
Susuntukin naman ni Daddy si Mommy.
Umaga, tanghali, gabi—wala silang pahinga sa away.

Itutulak palabas ni Lito si Annie. Madadapa uli si Annie. Tatayo at lalabas si Annie. Susunod si Lito.

Papasok si GINO. Lalapit siya kay Dennis at bubulong.


DENNIS
Kahit minsan lang daw, sabi ng kaibigan ko.
Para naman daw matakasan ko ang aking problema.

GINO
You need it, Pare!

DENNIS
At naniwala ako sa kanya.
At mula noon, drugs na ang aking naging takbuhan.

Tatalikod sina Dennis at Gino sa Manonood bilang pagpapahiwatig na siya ay magda-drugs. Pagkaraan ng ilang sandali, haharap si Dennis sa Manonood habang lalabas naman si Gino.

DENNIS
Mula noon, iniwasan ko na ang aking mga magulang.
Tinalikdan ko na rin ang aking pag-aaral.
At kahit Diyos at kinalimutan ko na.

Yuyuko si Denis at pupulot ng isang pirasong papel sa sahig.

Hanggang sa . . .
Nakapulot ako ng isang pahina na pahayahan
At nakita ko ang mukha ng isang batang gusgusin.
Buto’y balat na lang ang bata.
At sa isang iglap ay nakarinig ako ng boses na nagsasabing,
“Pakainin mo ako.”
Lumingon ako ngunit wala akong nakita.
Nag-iisa lang ako.
Muli kong tiningnan ang larawan at muli ko na namang narinig ang tinig,
“Pakainin mo ako.”

Hihinto si Dennis ng ilang sandali, titingin sa malayo at, pagkaraan ng ilang sandali, ay magpapatuloy.

Sa loob ng iilang sandali, parang nanlumo ako.
At hindi ko napansin, lumuluha na pala ako.
Ayaw kong umiyak.
Lalaki ako’t ayaw kong magpahayag ng mga damdaming ganito.
Ngunit wala akong magawa.
Tuluy-tuloy na dumaloy ang aking mga luha
at bigla na ko na lang naisip na kailangan ko nang umuwi.

Papasok sina Lito at Annie at kanilang yayakapin si Dennis.

Nagulat ako.
Hindi ko aakalaing tatanggapin nila ako nang buong tuwa.
Niyakap nila ako’t hinalikan.
Parang katulad ng tuwang naramdaman ng Ama sa talinghaga ng Alibughang Anak.

Hahalikan ni Dennis sina Lito at Annie. Lalabas sina Lito at Annie.

Ngayon, tuwing naaalala ko ang mga pangyayari sa aking buhay,
palagi kong tinatanong kung anong mga aral ang aking napulot.
Pinakaimportante, para sa akin, ay na mahal ako ng Panginoon.
Gago man ako, makasalanan man ako, mahal ako ng Diyos.
Walang kondisyon pa rin ang kanyang pag-ibig para sa akin.
Nadungisan man ako ng kasalanan
gunit nilinis niya ako sa kanyang pagpapatawad
at pagtanggap ng aking mga magulang sa akin.
Sa kanyang liwanag ako ay kanyang pinaligo upang itong buhay
at magbigay ng liwanag sa iba.

Papasok sina Lito, Annie at Gino.

Marami ang nagulat sa aking pagbago.
Ano raw ba ang aking sekreto?
(Tatawa) Ano ba nga ba’t kundi ang Panginoon!
Ang Panginoon na nagkatawang-tao para sa akin.
Ibinigay niya ang kanyang sarili para sa aking kaligtasan.

Ngayon, tuwing iniisip ko ang pagkamangha ng mga tao
hinggil sa mga pangyayaring may kinalaman sa pagsilang ni Juan,
hindi ko mapigilang mapangiti.

Parang hindi pa rin nagbabago ang tao.
Parang hindi pa rin namulat ang tao
na tunay na nakakamangha ang mga paraan ng Panginoon.

Darating ang Panginoon ngayong Pasko at, sigurado ako,
Na kung atin siyang papasukin sa ating mga puso,
Marami pang kamangha-manghang pagbabago ang mangyari sa ating buhay.

Advance Merry Christmas!

22 December Advent Skit

ANG AWIT NI MARIA
Ang Buhay Ay Pag-aalay

Mga Pagbasa: 1 Samuel 1:24-28; Lukas 1:46-56

Mga Tauhan:
PLAYER 1
PLAYER 2
PLAYER 3
PLAYER 4
PLAYER 5

Pagkabasa ng Ebanghelyo o pagkahomilya, papasok ang mga basketball players. Mauna si PLAYER 1. Magdidribol-dribol siya ng isang imaginary basketball at magus-shoot sa isang imaginary ring hanggang sa makarating siya sa harap ng altar. Susunod si PLAYER 2 na magba-block ng isang imaginary na kalaban hanggang sa makarating din siya sa may altar. Papasok sina PLAYER 4 at PLAYER 5 at mahuhuli si PLAYER 3. Magdidribol ng isang tunay na basketball si Player 3 habang hinaharangan nina Player 4 at Player 5 sa paglapit at pagsu-shoot sa imaginary ring.
Pagdating ng Lahat sa harap ng altar, magus-shoot uli si Player 3. Kanyang ii-aim ang bola at isu-shoot. Sasaluhin ni Player 1 ang bola mula sa imaginary ring. Papalakpak sina Player 2, Player 4 at Player 5.


PLAYER 1
Ang galing mo talaga, Pare!

PLAYER 2
Give me five, Man!

Matutuwa si Player 3 at makipag-give-me-five rin sa kanyang mga kasama. Pagkatapos, titingin siya sa Manonood at makipag-usap.

PLAYER 3
Ano ba para sa aming mga basketball players ang Awit ni Maria?
Wika niya, “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon.
Nagagalak ang aking Espiritu sa aking Tagapagligtas.”
Para sa akin at para sa aking team,
ang kanyang awit ay isang paalaala
na isang bagay lang talaga ang tunay na mahalaga:
ang pag-alay ng ating buhay alang-alang sa Panginoon.

Tatabi si Player 4 kay Player 3 at makipag-usap din si Manonood.

PLAYER 4
Babae ng Pananampalataya si Maria.
Ang kanyang buhay ay isang pagbibigay at pag-aalay—
pagbibigay ng kanyang sarili para sa kanyang Anak
at pag-aalay ng buhay na ito bilang pagtupad sa kalooban ng Ama.

Lalapit sina Player 1, Player 2 at Player 5.

PLAYER 5
Katulad sa basketball.

PLAYER 2
Sa basketball, binibigay mo ang lahat ng iyong makakaya para sa ikakapanalo ng team.

PLAYER 1
Iyong isinasakripisyo ang iyong sarili para sa kabutihan ng team.

PLAYER 2
Sa basketball, ibinibigay mo ang lahat:
Ang iyong pawis, ang iyong lakas, ang lahat-lahat na.
At ang bawat pagkakataon ng paglalaro at pagsu-shoot ay iyong pinapahalagahan.

PLAYER 1
Hindi kailangang makalamang ng 20 points upang manalo.
Basta sa pagtunog ng buzzer,
kahit 1 point lang ang iyong lamang, panalo ka.

PLAYER 5
Dahil dito, kung titingnang mabuti,
Magkasing-halaga pala ang 1-point free throw at ang 3-point shot.

PLAYER 2
Ibig sabihin, sa bawat shot, pang 1-point o pang 3 points man,
kailangang ibigay mo ang lahat ng iyong makakaya
dahil baka sa 1-point free throw ay maipanalo mo ang iyong team.

PLAYER 4
Kaya, ialay mo ang iyong sarili
kahit sa maliliit na bagay, sa maliliit na hamon.
Ang importante ay na ikaw ay makatugon sa kalooban ng Panginoon.

PLAYER 3
Ang buhay ay katulad ng basketball, wika nga ng aking mga kasama.
Si Jesus ang Team Owner, Team Manager at Coach.
Sa ating paglalaro upang maipanalo ang Team Kingdom Come,
kinakailangang palagi tayong nakikinig sa kanya.

PLAYER 4
Kasama si Jesus, sigurado ang ating tagumpay.
Ngunit kailangang kumilos at magpunyagi
sa pagbibigay ng buhay sa ating mga papel sa team.

PLAYER 5
Kay Jesus ang coaching, ngunit tayo ay may kalayaan.
Sa atin pa rin ang dribbling at shooting.

PLAYER 3
Sa laro ng buhay, sundin natin ang halimbawa ni Maria.
Nakinig siya sa Salita ng Panginoon nang buo niyang puso.
At buong pananampalataya niyang inialay
ang kanyang sarili para sa Panginoon.

PLAYER 4
Makinig tayo sa Salita ng Diyos nang buong puso.
Ialay natin ang ating mga sarili ng buong pananalig.

PLAYER 3
Upang ating mabago ang mundo.
Upang ating masaksihan ang pagpangalat ng mga palalo ang isipan.

PLAYER 4
At ang pagbagsak ng mga hari mula sa kanilang mga trono.
Ang pagtaas ng mga nasa abang kalagayan.

PLAYER 2
Ang pagpapabusog ng mabubuting bagay sa mga nagugutom.
Ang pagpapalayas na walang dalang anuman sa mayayaman.

PLAYER 5
Ang katuparan ng kanyang pagtulong sa atin
bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang lahi magpakailanman.

PLAYER 3
Ialay ang inyong buhay.

PLAYER 4
Ialay ito sa Panginoon at sa ating kapwa.

PLAYER 5
Ano pa ang hinihintay ninyo?

LAHAT
Shooooot!

21 December Advent Skit

ANG PAGDALAW NI MARIA KAY ELISABET
Ikaw, Ako, Magkapatid

Mga Pagbasa: Zacarias 3:14-18; Lukas 1:39-45

Mga Tauhan:
OLAY, Gitarista
LULU, Presidente, Chapel Pastoral Council
TAO 1, Miyembro, Chapel Pastoral Council
TAO 2, Miyembro, Chapel Pastoral Council
CHOIR

Pagkabasa ng Ebanghelyo o pagkahomilya, papasok si LULU at hahanapin si Olay sa gitna ng mga Manonood. Hindi niya makikita si Olay at iiling siya. Tatawagin ni Lulu sina Tao 1 at Tao 2 na nakaupo sa gitna ng karamihan. Tatayo sina TAO 1 at TAO 2 at lalapit kay LULU.

LULU
Si Olay?

TAO 1
Hindi ko pa rin siya nakikita, e.

TAO 2
Magdadalawang linggo na siyang hindi nakakasimba sa atin.

TAO 1
Mukhang may problema ang binata.

LULU
Mabuti pa siguro kung dadalawin ko siya.

TAO 2
Kailangan natin siya sa ating choir.
Magaling siya maggitara at magturo ng kanta sa mga bata.

LULU
Sige. Tutuloy muna ako sa kanila habang hindi pa mainit ang araw.

Lalabas si Lulu at susunod sina Tao 1 at Tao 2.

Papasok si OLAY na buhat-buhat ang isang sakong puno ng mga lumang lata. Isasantabi ni Olay ang kanyang dala. Pagkasantabi, papasok si Lulu at lalapit kay Olay.


LULU
Olay, kumusta?

OLAY
(Magugulat)
Uy, kayo pala, Ate Lulu.

LULU
Kumusta? Matagal-tagal ka na rin naming hindi nakikita.

OLAY
Heto po, nag-iipon ng mga lata at lumang pahayagan.
At kung ano pa pong maaaring mapakinabangan.
Nagbabakasakaling makapagbenta at magkapera
nang makapagbili ng pagkain at gamot.

LULU
Ganoon ba?

OLAY
Nagkasakit kasi si Nanay—mga dalawang linggo na.
Kaya kinakailangan kong pumunta sa tambakam tuwing umaga.

LULU
Kaya pala hindi ka na nagawi sa kapilya natin.

OLAY
Sori po talaga, Ate Lulu.

LULU
Baka makatulong kami sa iyo.
Katulad ng pagtulong mo sa ating choir.

OLAY
Huwag na po kayong mag-alala, Ate.
Kapag magaling na si Nanay, babalik agad ako sa kapilya.

LULU
O, siya. Bibisita na lang uli ako sa iyo rito.

OLAY
O, sige po, Ate. Salamat sa iyong pagdalaw.
Ikumusta niyo na lang po ako sa iba.

LULU
O, sige. Salamat din.

Lalabas si Lulu at susunod si Olay. Papasok sina Tao 1 at Tao 2 at kanilang sasalubungin si Lulu na papasok sa kabilang kanto ng entablado. Papasok si Lulu.

LULU
Ano kaya ang maitutulong natin kay Olay?

Mag-iisip sina Tao 1 at Tao 2.

TAO 1
Mabuti pa siguro kung magbukod tayo ng pondo
para sa Social Service ng ating kapilya.

TAO 2
Na maaari nating gamitin para sa mga miyembro
ng ating kapilya na nangangailangan.

TAO 1
Lalung-lalo na sa mga kasaping ibig maglingkod
ngunit nahihirapan dahil sa kanilang kawalan.

LULU
Mabuti. Mabuti ang inyong mungkahi.

Magpaplano sina Lulu, Tao 1 at TAO 2 at, pagkaraan ng ilang sandali, ay maglalakad.

LULU
Tao po! Tao po!

Papasok si Olay.

OLAY
Kayo pala, Ate, Kuya. Tuloy po kayo.

TAO 1
O, Olay, kumusta?

OLAY
Mabuti naman po.

Darating ang iilang MIYEMBRO ng CHOIR na may dalang mga basyong lata at lumang mga pahayagan.

OLAY
Pasensiya na kayo rito sa amin, ha.

Hindi mapapalagay si Olay sa harap ng kanyang mga bisita at mapapansin ito ni Lulu.

LULU
Nagdala kami ng mga prutas para sa Nanay mo, Olay.
(Iaabot ang mga prutas) Kumusta na siya?

OLAY
Mabuti-buti na po. Medyo malakas na po siya.
(Tatanggapin ang iniabot na mga prutas) Salamat po.

TAO 2
Nakapag-isip din kaming magdala
ng mga basiyong lata at mga lumang peryodiko.

OLAY
Sana hindi na po kayo nag-abala pa pero salamat.
(Tatanggapin ang mga iaabot)

LULU
Isang Simbahan tayo at isang komunidad.
Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayu-tayo rin.

TAO 1
Walang kabuluhan an gating pag-a-Ama Namin
kung hindi natin pinapakita ang ating pagiging kapatid sa gawa.
Sa ating pagtutulungan sa isa’t isa.

OLAY
Salamat. Salamat talaga sa inyong kabutihan.

LULU
At iyong Choir naman natin ay panay ang praktis kahit wala ka.
May awit nga raw sila para sa iyo.

TAO 1
(Sa Choir) O, sige. Makikinig kami ni Olay sa inyo.

Ngingiti si Olay. Pupuwesto ang mga miyembro ng Choir.

SOLOIST
Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.
Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang.

LAHAT
Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa.
Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling niya.

Papalakpak sina Olay, Lulu, Tao 1 at Tao 2.

OLAY
Salamat. Salamat talaga. Hayaan n’yo. Babalik din ako.
(Makikipagkamayan si Olay sa mga kasapi ng Choir)

CHOIR
Yehey!

LULU
(Sa Manonood)
Ang ating Simbahan ay isang komunidad ng mga alagad ni Kristo.
Isang sambayanan na nagkakaisa, hindi lamang sa pananampalataya,
kundi sa paglilingkod din ng ating kapatid.

TAO 1
Ang ating Simbahan ay isang komunidad ng Pag-ibig at Pagtutulungan.

TAO 2
Tayo ay Simbahan ng mga Dukha na walang ibang kayamanan kundi ang Panginoon lamang
At ang pagmamahalang nagbubuklod sa atin bilang isang sambayanan.

CHOIR
(Aawit)
Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa.
Tayong lahat ay tinipon ng Diyos na kapiling niya.

Magyayakapan ang Lahat.

20 December Advent Skit

ANG PAGPAPAHAYAG NG PAGKATAO NI JESUS
Ang Aking Sambayanan

Mga Babasahin: Isaias 7:10-14; Lukas 1:26-38

Mga Tauhan:
TAO 1
TAO 2
TAO 3

Pagkabasa ng Ebanghelyo o pagkahomilya, papasok sina TAO 1, TAO 2, at TAO 3. Aawit at sasayaw sila.

TAO 1 / TAO 2 / TAO 3
Anong makikita? Anong mararatnan? Sa pook na pupuntahan?
Anong makikita? Anong mararatnan? Sa pook na pupuntahan?
Sabihin mo, sabihin mo, ayokong manghula.
Sabihin mo, sabihin mo, ayokong manghula.

TAO 1
Umaasa ako. Umaasa ako.
O Diyos ko, salamat, salamat, salamat.

Magfe-freeze ng iilang sandali sina TAO 1, TAO 2 at TAO 3. Pagkatapos, gagalaw si TAO 1.



TAO 1
Pagdating ng Manliligtas,
nawa’y isama niyang iligtas ang ating mga kagubatan,
ang natutuyo nating mga kailogan.
Makiisa sana siya sa atin sa ating pagtatanggol sa kalikasan
dahil wala tayong ibang mundo kundi itong ating tinitirhan.

Magfe-freeze si TAO 1. Pagkaraan ng ilang sandali, babalik sa pag-awit at pagsayaw sina TAO 1, TAO 2, at TAO 3.

TAO 1 / TAO 2 / TAO 3
Anong makikita? Anong mararatnan? Sa pook na pupuntahan?
Anong makikita? Anong mararatnan? Sa pook na pupuntahan?
Sabihin mo, sabihin mo, ayokong manghula.
Sabihin mo, sabihin mo, ayokong manghula.

TAO 2
Umaasa ako. Umaasa ako.
O Diyos ko, salamat, salamat, salamat.

Magfe-freeze ang Lahat at pagkaraan ng ilang sandali, gagalaw si Tao 2.

TAO 2
Pagdating ng Mesiyas,
Nawa’y tulungan niya tayong humubod ng mga taong
Kapayapaan ang pinapangarap para sa sambayanan.
Nawa’y makiisa siya sa ating mga pagsisikap
na mapanumbalik ang Pilipino sa kapwa niya Pilipino
upang sa ating sama-samang pagkilos ating mapaunlad ang Pilipinas.

Magfe-freeze si Tao 2 at, pagkaraan ng ilang sandali, ay babalik sa pag-awit at pagsayaw ang Lahat.

TAO 1 / TAO 2 / TAO 3
Anong makikita? Anong mararatnan? Sa pook na pupuntahan?
Anong makikita? Anong mararatnan? Sa pook na pupuntahan?
Sabihin mo, sabihin mo, ayokong manghula.
Sabihin mo, sabihin mo, ayokong manghula.

TAO 3
Umaasa ako. Umaasa ako.
O Diyos ko, salamat, salamat, salamat.

Magfe-freeze ang Lahat at, pagkaraan ng ilang sandali, ay gagalaw si Tao 3.

TAO 3
Pagdating ng Manliligtas,
Inaasahan kong makiisa siya sa pagbabago ng ating bayan.
Punuin nawa niya sa tuwa ang mahihirap at kapus-palad.
Sa ating mga pagsisikap tungo sa katarungan,
nawa’y makatulong siya sa pagsulong
ng mga karapatang pangtao sa lahat ng dako.

Magfe-freeze si Tao 3 at, pagkaraan ng ilang sandali, ay babalik sa pag-awit at pagsayaw ang Lahat.

TAO 1 / TAO 2 / TAO 3
Anong makikita? Anong mararatnan? Sa pook na pupuntahan?
Anong makikita? Anong mararatnan? Sa pook na pupuntahan?
Sabihin mo, sabihin mo, ayokong manghula.
Sabihin mo, sabihin mo, ayokong manghula.

Magfe-freeze ang Lahat at, pagkaraan ng ilang sandali, ay sabay-sabay silang magsalita.

TAO 1 / TAO 2 / TAO 3
Adbiyento.
Panahon ng paghihintay sa pagdating ng Manliligtas.
Sa pagsilang ng Mesiyas na hahango sa mundo
sa lahat ng uri ng pagkaalipin,
sa kasalanan man o sa karukhaan.

Panahon ng pagtanim ng mga bagong pag-asa.
At pagbago ng mga lumang panalangin
na, nawa, ang ating sambayanan,
sa gabay ng Banal na Espiritu,
ay mapuspos ng grasya mula sa Diyos Ama.

Panahon ng paghihintay ng katuparan
Ng mga pangakong kanyang binitiwan sa ating mga angkan.
Ng kaganapan sa pagpapahayag ng Panginoon
Ng kanyang sarili bilang Mapagmahal at Mapagligtas na Diyos.

Adbiyento.